Plastic bottle palit pasahe sa Ecuador

PARA mabawasan ang basura at polusyon sa Ecuador ay isang bagong polisiya ang ipinatutupad sa nasabing bansa ngayon. Ito ay ang pagtanggap sa recyclable plastic bottle kapalit ng bus ticket.

Ayon sa ulat ang port city sa Ecuador ang may pinakamaraming populasyon na naitala sa 2.7 milyon kaya lumilikha ito ng sangkatutak na basura.

Kaya ngayong maari nang ipalit ng tiket pambayad sa bus ang mga bottled water ay pumipila muna sa makinang kumokolekta ng botelya ang mga pasahero para ipalit ang bawat plastic bottle sa halagang 2 cents na maari nilang pamasahe.

Dahil sa pagdagsa ng mga nagpapalit ng tike­t ay magdadagdag pa ng mga makina sa mga bus terminal.

Nauna rito ay nagpapatupad ng mga panuntunan ang ilang local government sa Ecuador kaugnay sa produksyon, pagbebenta at pag-angkat ng single-use plastic katulad ng bag at mga straw.

Posted in Balita | Leave a comment

Kenyan buking sa nilunok na 1.2 kilo cocaine sa Bangkok

INARESTO ang isang Kenyan sa Thailand matapos madiskubre sa tangkang pagpupuslit ng 68 paketeng cocaine na tumitimbang ng 1.2 kilo sa Bangkok airport nitong Miyerkoles, Agosto 21.

Kinilala ang suspek na si Glenn Chibasellow Ooko, 43, na dumating sa Suvarnabhumi airport sa Thailand nitong Lunes galing Ethiopia.

Naispatan sa X-ray na may dose-dosenang oblong item sa kanyang tiyan at nang suriin ay natuklasang naglalaman ang mga ito ng cocaine.

Maliban kay Ooko ay isa pang Nigerian national na kinilalang si Osita Joseph Ukpa ang inaresto. Ito umano ang kumontrata sa Kenyan para magpuslit ng iligal na droga.

Posted in Balita | Leave a comment

Bagyong Ineng lumakas, 7 lugar signal No. 1

PITONG lugar ang isinailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa Storm signal No. 1 kasasabay ng inaasahang paglakas pa ng bagyong Ineng.

Sa inilabas na ulat ng Pagasa, sinabi nito na tataas sa kategoryang severe tropical storm ang bagyo, taglay nito ang lakas ng hangin na 75km per hour at bugsong 90kph at kumikilos sa bilis na 15kph, huli itong namataan 725 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora, at patuloy na gumagalaw patungong kanluran hilagangkanluran sa bilis na 15 kmh.

Nasa ilalim ng signal No. 1 ang Batanes, Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra at Ilocos Norte.

Nagbabala ang Pagasa na ang mga nasabing lugar ay makakaranas ng lakas ng hangin na 30kph hanggang kph sa loob ng 36 oras.

Hindi pa rin inaasahang tatama sa lupa ang bagyo subalit pinala­lakas ito ng hanging habagat.

Batay sa forecast track ng Pagasa ay lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo Sabado nang gabi o umaga ng Linggo.

Ang bagyong Ineng ang ika-siyam na bagyo na pumasok ng bansa ngayong taon at ikalawa ngayong buwan ng Agosto. (Tina Mendoza)

Posted in Balita | Leave a comment

2 teenager na snatcher kalaboso

Magkasunod na naaresto ang dalawang menor de edad na snatcher nang magawa ng una nilang biniktimang Syrian national na banggain ang sinasakyan nilang motorsiklo habang papatakas sa pangalawa nilang biktimang Korean national, kamakalawa nang gabi sa Malate, Maynila.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek na sina ‘Bert’, 16-anyos at ‘Sonny’, 17.

Unang naaresto si Bert alas-10:00 nang gabi sa J. Bocobo corner Gen. Malvar Street, Malate matapos na magkasunod na biktimahin ang mga dayuhang sina Mohmad Aljaroc, 51, at Hwang Dooho, 21, at nanunuluyan sa Birch Tower J. Bocobo Street.

Una umanong biniktima ng mga suspek si Aljaroc sa Mabini kanto ng Salas Street sa Ermita, nang agawin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka, ang kanyang dalang IPhone XS Max na nagkakahalaga ng P85,000, at kaagad na tumakas patungo sa direksiyon ng Ermita.

Habang patakas sa lugar ay nakita pa ng dalawang suspek ang biktimang si Dooho at inagaw ang itim na leather wallet nito na may lamang P20,000 at mahahalagang dokumento.

Dito na sila nakita ni Aljaroc at binangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Sumemplang ang motorsiklo at nahulog ang mga suspek, saka mabilis na kumaripas ng takbo ang mga ito pero naaresto ng mga biktima si Bert at dinala sa presinto.

Sa ginawang follow-up operation naaresto si Sonny. (Juliet de Loza-Cudia)

Posted in Balita | Leave a comment

Digong uubusin ang mga kawatan sa BIR

Matapos ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang mga exa­miner naman sa Bureau of Internal Reve­nue (BIR) ang binabantayan ni Pangulong Rodirgo Duterte dahil sa katiwalian.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Odiongan, Romblon noong Miyerkoles na mas talamak ang katiwalian sa itaas kaya isusunod niyang kakalusin ang mga tiwali sa BIR.

“Ang corruption is taas. Kaya dito ko binabantayan. Yang mga –pero yang masabi mo mga corrupt diyan sa baba, well of course it affects a lot of Filipinos. Checkpoint, Customs, BIR. Kaya sunod ang BIR,” anang Pangulo.

Bistado na ng Presidente ang estilo ng mga BIR examiner kung saan hindi lahat napupunta sa gobyerno ang buwis na dapat bayaran ng isang negosyante o kompanya.

“Sabi niya, O sige magbayad ka lang nito. Pero okay, we will assess you at 5 million. Ibigay mo sa amin ang 2 million, 3million ang ibayad mo,” dagdag ng Pangulo.
Dahil dito, plano ni Pangulong Duterte na magpatupad ng gross taxation dahil walang daya sa binabayarang buwis.

Sa kasalukuyan ay net taxation ang umiiral na sistema kaya madaling doktorin at dito aniya nakikinabang ang mga tiwaling BIR examiner.

“I suggest to you in all honesty, let us go sa ating taxation gross. Maski sinong tanungin mo walang daya sa gross. ‘Pag mag-gross ka, wala na, nandiyan na lahat. Magkano ang benta mo, magkano ang kinita mo sa araw na yan? Wala yung minus sa suweldo ng tao mo,” paliwanag ng Pa­ngulo.

Ang ganitong sistema ng pagbubuwis aniya ay ginagawa sa Hong Kong, Singapore at Indonesia. (Aileen Taliping)

Posted in Balita | Leave a comment

Mamasapano case ni Aquino nilaglag ng Sandiganbayan

KINATIGAN ng Sandiganbayan ang mosyon ni Ombudsman Samuel Martires sa pagbawi ng kasong graft at usurpation laban kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kaugnay ng operasyon sa Mamasapano sa ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police (PNP) noong Enero 2015.

Ayon sa anti-graft court, mahina ang ebi­densiya laban sa dating pa­ngulo.
“Considering that the records of the present cases are bereft of any evi­dence that would merit further proceedings as against accused Aquino for the charges in violation of Section 3 of RA 3019 and usurpation of official functions under Article 177 of the Revised Penal Code, the Court finds that the dismissal of the said cases is indeed warranted,” ayon sa desisyon ng Sandiganbayan Fourth Division.

Dahil sa desisyon, tinanggal na rin ang Hold Departure Order na inisyu laban sa dating Pangulo.

Nilinaw naman ng anti-graft court na maaari pa ring sampahan ng angkop na kaso si Aquino.

Ikinatuwiran ni Ombudsman Martires na hindi maaaring usurpation ang ikaso kay Aquino dahil siya ang pinakamataas na opisyal ng gobyerno noong panahong iyon. (Yves Briones)

Posted in Balita | Leave a comment

₱412M bonus ng mga sugar worker binuro ng DOLE

dole

IBINUNYAG ng Commission on Audit (COA) na hindi pa naibigay sa mga magsasaka ng asukal ang aabot sa P412.84 milyong cash bonus dahil sa kakula­ngan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng public announcement o pagpapakalat ng impormasyon.

Sa 2018 report ng COA, ipinaliwanag nitong lumobo sa P528.08 milyon ang Cash Bonus Fund (CBF) para sa mga sugar far­mer mula 1991 hanggang 2018 sa sa bilang na ito, P115.24 milyon lamang ang nai-remit sa ilang regional office.

Sa ilalim ng RA 6982 o Sugar Amelioration Act ng 1999, makakukuha ng cash bonus ang mga lokal na magsasaka ng asukal mula sa mga nasisingil sa mga sugar planter at miller.

Nakasaad pa sa batas na kinakailangang ng secretary ng DOLE na magsagawa na ipaalam sa publiko ang ang benepisyong ito.

Inatasan ng COA ang DOLE na ipamahagi na ang mga cash bonus na ito at magsagawa din ng ligal na aksyon laban sa mga taong sinadyang harangan ang benepisyo sa mga magsasaka.

Sinabi naman ng DOLE na pinag-aaralan na nito ang posilibidad ng paghahain ng kaso laban sa mga fund holder (Yves Briones)

Posted in Balita | Leave a comment

Gotianun sumawsaw sa negosyo ng tubig

PAPASUKIN na rin ng mga Gotianun ang negosyo ng tubig.

Sa isang disclosure sa stock exchange, sinabi ng Filinvest Development Corp na pumasok ito sa isang kasunduan sa Hitachi Aqua-Tech Engineering Pte. Ltd para bumuo ng joint venture company para mag-ari, magtayo, magpatakbo, mamahala, magmantine o magrehabilitate ng waterworks, sewe­rage at sanitation system para sa suplay at distribution ng potable water sa Pilipinas.

Huli na ang mga Gotianun sa pagpasok sa negosyo ng suplay at distribution ng tubig pati na ng sewerage at sanitation kumpara sa ibang mga kompanya na nasa housing.

Ang Manila Water Company Inc. na pag-aari ng mga Ayala ang isa sa mga nauna noong nanalo ito sa privatization ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System noong 1997. Ang Maynilad Water Services Inc. na kinuha din ng MWSS noong taong ding iyon ay pag-aari ng Metro Pacific ni Manny V. Pangilinan na pinasukan na ng mga Consunji o ng DMCI.

Ang PrimeWater Infrastructure ng mga Villar ang nanalo naman para sa suplay ng tubig noong nakaraang taon para sa tinatayong New Clark City. Bago pa man manalo sa New Clark City, pinapasok na ng mga Villar ang mga local water district na madali nitong nakukuha dahil sa koneksyon nito sa politika. (Eileen Mencias)

Posted in Balita | Leave a comment

1K nurse wanted sa Saudi; Israel hotel, tourism worker naman

Suweldo ng mga gov’t nurse ipapako sa ₱30K

OFW sugod na!

MAGSISIMULA nang tumanggap sa isang buwan ng mga manggagawang Pilipino, ang industriya ng hotel at turismo sa Israel at nangangailangan ng mga nars na Pinoy sa health ministry ng Kingdom of Saudi Arabia.

Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia maari nang mag-apply dahil Pilipino ang gusto ng Israel kung kaya’t maganda itong oportunidad.

Sa kabilang dako, sinabi ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na maraming skills o kasanayan ang mga Pilipino at tiyak na makakasabay sila sa merkado ng paggawa.

Sinabi ni Deejae Juanta ng TESDA, kung kayang magpa-assess ang mga aplikante ng mas maraming National Certificate Level 2 ay mas mabuti upang maging masaya ang employer kung mas maraming kayang gawin ang empleyado.

Bukod sa Israel, ang Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ay na­ngangailangan din ng mga manggagawang Pilipino.

Ayon sa Ministry of Health ng KSA, na­ngangailangan sila ng 1,000 babaeng nars na may buwanang suweldo na P60,000 – kabilang ang iba pang mga benepisyo, tulad ng libreng pamasahe at tirahan, bukod sa iba pang mga benepis­yo. (Mina Aquino)

Posted in Balita | Leave a comment

Ex-Honduras first lady, 87 taon kulong sa korapsyon

HINATULAN ng Honduran court si dating first lady Rosa Elena Bonilla kaugnay sa paglustay ng may $600,000 sa pagitan ng taong 2010 at 2014 ng pangulo pa ang asawang­ si Porfirio Lobo.

Ang hatol kay Bonilla ay nakatakdang ianunsyo sa Agosto 28 kung saan ay makukulong ito ng mula 58 hanggang 87 taon sa kalaboso.

Napawalang-sala naman ang bayaw ni Bonilla na si Mauricio Mora sa kaso.
Ang kaso ay orihinal na ini­akyat ng Organization of American States’ anti-corruption mission na nagsimula ang mandato noong 2016 matapos ang malawakang protesta laban sa koraps­yon.

Ayon sa National Anticorruption Council nagdeposito si Bonilla ng $600,000 mula sa pondo ng gobyerno patungo sa kanyang personal bank account, limang araw bago magtapos ang apat na taong termino ni Lobo noong Ene­ro 2014.

Natuklasan ng prosecutor na ginamit ni Bonilla ang salapi para pambili ng alahas at pambayad ng mga credit card.

Posted in Balita | Leave a comment